DOH umapela sa publiko na ihinto ang pagpapakalat ng video ni Brian Velasco
Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na ihinto ang pagpapakalat ng video ng Razorback drummer na si Brian Velasco.
Sa isang pahayag araw ng Huwebes, ipinarating ng DOH ang pakikiramay sa pamilya ni Velasco na nasawi matapos magpakamatay umaga ng Miyerkules.
Iginiit ng DOH na dapat ihinto na ang pagpapakalat ng video ni Velasco bilang pagrespeto sa pamilya nito na ngayon ay nagdadalamhati.
Kinunan ng live video ni Velasco ang sarili bago tumalon mula sa rooftop ng isang building sa Malate, Maynila.
Ayon sa datos ng kagawaran, nasa 3.3 milyong Filipino ang nakararanas ng mga sakit na may kinalaman sa depresyon.
Aabot umano sa 2.5 males at 1.7 females sa kada 100,000 ang nagpapakamatay sa Pilipinas.
Giit ng kagawaran, dapat nang pag-usapan ang depression upang mawakasan ang stigma tungkol sa mental health dahil kapag napabayaan, maaari itong magresulta sa pagpapakamatay.
Samantala, kung may problema, o gustong may makausap, may Hopeline hotlines na maaaring tawagan. I-dial lamang ang 804-HOPE (4673); 0917 558-HOPE (4673) o 2919.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.