Isa pang dayalogo hindi garantiya para huminto na si Duterte sa pag-atake sa Simbahan – Fr. Secillano
Hindi kumbinsido ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hihinto na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-atake sa Simbahang Katolika sakaling matuloy ang isa pang umuugong na dayalogo.
Nitong Linggo, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na bukas si Duterte na makipag-usap sa mga obispo.
Gayunman, para kay CBCP Permanent Committee on Public Affairs Exceutive Secretary Fr. Jerome Secillano, maganda mang inisyatibo ang dayalogo, hindi naman sigurado kung ititigil na ng presidente ang pambabatos nito sa Simbahang Katolika.
Giit ni Fr. Secillano, walang nangyari sa nagdaang pulong ng presidente at ni CBCP President at Davao Archbishop Romullo Valles noong July 2018.
Matatandaang matapos ang pulong ng dalawa ay nangako si Duterte na hihinto na sa maaanghang na pahayag laban sa Simbahan.
Sinabi ni Fr. Secillano na imbes na atupagin ng punong ehekutibo ang pang-iinsulto sa Simbahan Katolika at sa mga obispo ay dapat mas tutukan na lamang nito ang mahahalagang isyu na may kinalaman sa kapakanan ng mga mamamayan.
Anya pa, sayang lamang sa oras ang ginagawa ng presidente laban sa Simbahan at hindi ito nakakatulong sa kahit sino.
Ang pahayag ng Palasyo ng Malacañang na dayalogo ay matapos umani ng kritisimo ang pagkumbinsi ni Pangulong Duterte sa mga tambay na patayin at holdapin na lamang nila ang mga obispo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.