Gr. 11 student na ginulpi ng mga kaeskwela, pumanaw na

Matapos ma-comatose ng dalawang araw ay tuluyan nang binawian ng buhay ang grade 11 student na pinagtulungang gulpihin ng kanyang mga kaeskwela sa Mangaldan, Pangasinan.

Ang biktima ay kinilalang si Kenneth Langit, na pinagbubugbog ng grade 12 students dahil umano sa selos.

Ang mga suspek ay nakilalang sina George Maramba, Jason Soriano at Jay-ar Biagtan.

Ayon sa pulisya, nasa canteen lamang ng Mangaldan National High School ang biktima nang suntukin ito ni Maramba.

Nakaganti pa si Langit ngunit tumulong kay Maramba ang kanyang mga kaklase na sina Soriano at Biagtan.

Naihi at nawalan ng malay si Langit sa tindi ng pagkakagulpi ng tatlo.

Sa pahayag ng tiyuhin ng biktima, nagkaroon ng pagdurugo sa utak ng kanyang pamangkin.

Nagkakagusto umano kay langit ang nobya ng isa sa mga suspek.

Nahaharap sa kasong frustrated murder ang mga suspek.

Nadakip si Biagtan sa isang manhunt operation habang sumuko naman sina Maramba at Soriano.

Read more...