Anomalya sa special work permit sa BI, isiniwalat ni Sen. Villanueva
Nais ni Senador Joel Villanueva na dapat ay makipag-ugnayan ang Bureau of Immigration (BI) sa Labor Department para sa pagpapalabas ng special working permits sa mga banyaga na nais mag-trabaho sa bansa ng hindi hihigit sa anim na buwan.
Ito, ayon kay Villanueva, ay base naman sa nakasaad sa Saligang Batas na dapat ay paboran ang mga Filipinong manggagawa sa sarili nilang bansa.
Kinuwestiyon nito ang kapangyarihan ng kawanihan na mag-isyu ng permits sa mga banyagang manggagawa dahil sa kakulangan ng kapabilidad.
Aniya noong nakaraang taon, mula Enero hanggang Nobyembre, nagpalabas ang Immigration Bureau ng 185,009 special working permits sa mga banyaga samantalang ang DOLE sa loob ng dalawang taon ay nagbigay lang ng 115,652 alien employment permits.
Kasabay nito, ibinuking din ni Villanueva ang modus sa opisina ng Immigration Bureau sa Taguig City na naniningil ng P5,000 nang walang ibinibigay na resibo para sa pagbibigay ng special working permit sa isang banyaga sa loob ng isang araw.
Aniya, may mga binigyan ng special permit na ang trabaho ay kayang gawin ng isa nating kababayan.
At dahil sa modus, nakasingil ng P925 milyon at ang pera ay hinahanap ni Villanueva kung saan napunta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.