Inanunsyo ng Department of Education na magkakaroon ng make-up classes sa mga paaralan na nabalam ang klase dahil sa Asia Pacific Econonomic Cooperation (APEC) summit.
Sinabi ni DepEd Sec. Armin Luistro na bahala na ang mga school superintendents kung kailan gagawin ang make-up classes.
Ipinaliwanag ng opisyal na dapat masunod ang 201 days na pasok ng mga mag-aaral para sa isang academic year.
Magugunitang naglabas ang Malacanang ng Proclamation number 1072 kung saan ay nakasaad na walang pasok ang mga paaralan ganun din sa mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor mula November 18 hanggang 19.
Pero isang circular din ang inilabas ng DepEd dito sa Metro Manila na nagsasabing walang pasok mula November 17 hanggang 20 para bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na mag-obserba sa ginaganap na APEC summit sa bansa.