Isang hinihinalang kaso ng meningococcemia ang iniimbestigahan ngayon sa Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH).
Ayon sa pahayag ng Valenzuela City government, isang bata na edad 1 taon ang isinugod sa pagamutan noong Lunes ng gabi na nakitaan ng sintomas ng meningococcemia.
Residente ng Meycauayan, Bulacan ang bata na mataas ang lagnat, may mga pula sa balat at nakaranas ng diarrhea. Idineklara itong dead on arrival sa ospital.
Ayon kay Zyan Caiña, city public information officer, hindi pa naman kumpirmadong meningococcemia nga ang tumama sa bata, pero bilang precautionary measure ay agad isinailalim sa fumigation at disinfection ang emergency room ng ospital.
Under observation din ang pamilya ng bata at lahat ng hospital staff na naka-duty noong Lunes. BInigyan na sila ng prophylactic antibiotics.
Aabot ng tatlo hanggang pitong araw bago lumabas ang resulta ng pagsusuri na ginawa sa dugo ng batang nasawi.
Magpapadala din ng team ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health sa Bulacan.
Sa Pateros, isang kumpirmadong kaso na ng meningococcemia ang naitala sa Ace Hospital noong Jan. 4.
Na-admit sa naturang pagamutan ang lalaking pasyente na agad inilipat sa San Lazaro Hospital sa Maynila kung saan siya ginagamot.