Bilang ng mga nagugutom bumaba sa 4th quarter ng 2018 – SWS
Bumaba ang bilang ng mga pamilyang Filipino na nakaranas ng pagkagutom sa huling kwarter ng 2018 ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa survey na isinagawa noong December 16 hanggang 19, lumabas na 10.5 percent o 2.4 milyong pamilya ang nakaranas ng kahit isang beses na pagkagutom sa nagdaang tatlong buwan.
Ang naturang datos ay mas mababa ng 2.8 points sa 13.3 percent o 3.1 milyong pamilya na naitala noong September 2018.
Sa 10.5 percent na naitala noong Disyembre, 8.9 percent o 2.1 milyong pamilya ang nakaranas ng ‘moderate hunger’ o minsanang pagkagutom habang 1.5 percent o 354,000 pamilya naman ang nakaranas ng ‘severe hunger’ o madalas na pagkagutom.
Bumaba ang bilang ng mga nakaranas ng ‘moderate hunger’ at ‘severe hunger’ ng 1.7 at 1.3 points kung ikukumpara sa datos noong Setyembre.
Samantala, ang ‘average hunger rate’ para sa buong 2018 ay 10.8 percent o mas mababa ng 1.5 points o sa 12.3 percent noong 2017 at ito rin ang pinakamababang bahagdan simula noong 2003.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.