Jeepney transport group umapela ng taas-pasahe

By Len Montaño January 17, 2019 - 12:09 AM

Umapela ang isang transport group ng dagdag pamasahe sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo na sinabayan ng pagtaas ng excise tax sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN law.

Ayon sa presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na si Zenaida Maranan, sa kada 50 sentimos na dagdag presyo ng oil company ay P100 ang nawawala sa kita ng driver ng jeep.

Kaya anya sa P2 na itinaas ay P400 ang nawalang kita ng mga driver.

Dagdag ni Maranan, kapag umabot sa P40 ang presyo ng kada litro ng petrolyo, wala ng kikitain ang mga jeepney driver.

Suportrado naman ng grupong Piston ang panawagan ng FEJODAP.

Pero sinabi ng Piston na dapat ay mayroong kongretong hakbang ang gobyerno para tugunan ang tumataas na namang presyo ng mga produktong petrolyo.

Nasa P4.50 kada litro na ang excise tax sa diesel at sa gasolina ay P9.00 dahil sa ikalawang bugso ng naturang buwis sa ilalim ng tax reform law ng Administrasyong Duterte na naging epektibo sa unang araw ng 2019.

Noong Nobyembre ay itinaas sa P10 ang minimum na pamasahe sa jeep sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON pero binawi ang provisional fare increase noong Disyembre dahil sa serye ng rollback.

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikukunsidera nila ang mungkahi ng mga transport groups.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.