Interpelasyon sa panukalang 2019 budget tinapos na ng Senado

By Len Montaño January 17, 2019 - 12:08 AM

Tinapos na ng Senado ang interpellation sa panukalang P3.7 trillion 2019 national budget.

Dahil dito ay inaasahan ng mga Senador na maaaprubahan na sa Lunes January 21 sa ikatlong pagbasa ang panukalang pondo ngayong taon.

Inaprubahan ni Senate Presidente Vicente Sotto III ang mosyon ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri matapos na walang senador na tumutol na tapusin na ang interpellation ng General Appropriations Bill.

Ayon kay Zubiri, ang chairperson ng finance committee na si Senator Loren legarda at sponsor ng bill ang magpiprisinta ng mga amyenda sa plenaryo.

Magiging mabilis anya ang amyenda at pwedeng maaprubahan ang 2019 national budget sa ikalawa at ikatlong pagbasa dahil sinertipikahan itong urgent.

Matapos ang pag-apruba sa third reading, magko-convene ang Senado at Kamara bilang bicameral conference committee para plantsahin ang magkakaibang probisyon sa pagitan ng 2 bersyon ng panukalang batas.

Inaasahan naman ni Senator Panfilo Lacson na magiging madugo ang bicam pero igigiit anya ng Senado ang pagtanggal sa umanoy isiningit na P75 bilyon sa pondo ng Department of Public Works and Highwaya (DPWH).

Una nang sinabi ni Sotto na inaasahan niyang mapipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pambansang budget ngayong taon bago matapos ang Enero.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.