Passport data hawak pa rin ng gobyerno ayon sa DFA

By Len Montaño January 17, 2019 - 12:01 AM

Hawak pa rin ng gobyerno ang data sa mga pasaporte sa kabila ng unang ulat na kinuha ng dating kontratista ang mga personal na impormasyon ng passport holder.

Sa liham sa National Privacy Commission (NPC), sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsasagawa pa rin sila ng internal investigation pero tiniyak ng ahensya na nasa pamahalaan ang passport data.

Iniimbestigahan ng NPC ang isyu matapos ibunyag ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na nainis ang dating contractor kaya kinuha nito ang mga data sa pasaporte.

Pero hindi binanggit sa sulat ng DFA sa NPC ang naturang tweet ni Locsin.

Ayon kay DFA Data Privacy Officer Medardo Macaraig, humiling ang ahensya ng dagdag na panahon dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Sinabi ng DFA sa NPC na lumabas sa inisyal na imbestigasyon na walang nangyaring data breach.

Ito ay dahil nasa kustodiya pa ng DFA at Asia Productivity Organization Production Unit (APO), ang kasalukuyang nagpi-print ng mga pasaporte, ang mga data ng mga nag-apply ng passport.

Binigyan naman ng NPC ang DFA ng 5 araw para humarap sa preliminary fact-finding inquiry.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.