Intelligence Division ng Immigration, inirekomenda ang deportation ni Tony Labrusca

Isinulong ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation ni Filipino-American actor Tony Labrusca.

Si Labrusca, na ipinanganak sa mga Pilipinong magulang at lumaki sa Estados Unidos, ay nakilala noong nakaraang taon dahil sa mainit nitong kissing scene sa aktres na si Angel Aquino sa pelikulang “Glorious.”

Bago matapos ang 2018, laman muli ng balita ang binata nang magwala umano ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at sinigawan ang isang Immigration officer matapos siyang sabihan na isang buwan lang siya pwedeng manatili sa bansa.

Ayon kay BI Deputy Commissioner Tobias Javier, inirekomenda ng Intelligence Division sa Legal Division na magsampa ng reklamo laban kay Labrusca para sa pagtatrabaho ng walang permit.

Sa kanya namang panig ay naghain din ang aktor ng petition for recognition bilang Filipino citizen dahil parehong Pinoy ang kanyang mga magulang.

Ang Board of Special Inquiry (BSI) ang didinig sa petisyon at kung may sapat na basehan ay irerekomenda ang reklamong working without permit sa Department of Justice (DOJ) para sa kumpirmasyon ng ahensya.

Read more...