Ang Maldives na ang gagastos para sa pagbabalik sa Pilipinas ng mga labi ng mag-asawang Pilipino na nasawi habang nagha-honeymoon sa naturang bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Elmer Cato, ipinaalam ng Dhaka Philippine Embassy sa Department of Foreign Affairs na ang Ministry of Tourism ng Maldives na ang sasagot sa gastos para mauiwi na ang mga bangkay nina Leomer at Erika Lagradilla.
Nauna nang sinabi ng DFA na sila na ang gagastos para sa repatriation ng mga labi ng mag-asawang Lagradilla.
Batay sa ulat, humihit kumulang P1.2 Million ang kakailanganin para sa repatriation ng mga bangkay.
Kakakasal lamang ng highschool sweethearts noong December 18, 2018, at nagpasyang maghoneymoon sa Japan.
Pero naudlot ito dahil bigong maaprubahan ang visa ni Erika, kaya nagpasya silang mag-asawa na magtungo na lamang sa Maldives noong January 9, 2019.
Bagama’t natuloy na ang biyahe, nauwi naman sa trahedya ang kanilang honeymoon makaraang malunod ang dalawa habang nasa snorkeling activity.