Chinese Coast Guard vessel dumaong malapit sa Pag-asa Island
Iniulat ni Pag-asa Island Mayor Eugenio Bito-onon na isang linggong nanatili malapit sa isla ang isang Chinese Coast Guard vessel na Bow number 2305.
Unang namataan ang nasabing barko noong nakalipas na November 9 at kahapon lamang ng tanghali ito umalis.
Sinabi rin ni Bito-onon na hinaras din ng barko ang ilang mangingisda sa lugar kaya ilang araw din na hindi nakapangisda ang mga ito dahil sa takot na baka sila banggain ng nasabing barko.
Sa pagtaya ng opisyal, nasa 4-nautical miles lamang ang layo ng Chinese vessel sa dalampasigan ng isla.
Hinala ni Bito-onon, may kaugnayan sa pagdalo ni Chinese President Xi Jinping sa APEC summit ang paglapit ng nasabing barko sa teritoryo ng bansa pero hindi daw ito ang unang pagkakataon na nakita nila ang nasabing barko.
Ang Chinese vessel na iyun din daw ang responsable sa paghabol sa ilang mga mangingisda sa Ayungin Shoal sa mga nakalipas na buwan.
Samantala, sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Restituto Padilla na wala silang natanggap na report kaugnay sa pagpasok ng nasabing barko sa teritoryo ng bansa pero iimbestigahan daw nila ang pangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.