Total shutdown hindi ipatutupad ng NTC sa Sinulog
Naglinaw ang National Telecommunication Commission sa Central Visayas (NTC-7) na hindi puputulin ang lahat ng cell sites sa Cebu at Bohol kasabay ng Sinulog Festival sa January 19 at 20.
Sa isang statement, sinabi ng NTC-7 na hindi naman sila magpapatupad ng total shutdown ng signal sa naturang petsa at ilang mga piling cell sites lang ang maaapektuhan.
Ipinaliwanag ng nasabing tanggapan na ang mga ruta ng aktibidad ang maaapektuhan ng signal shut off.
Nakasaad sa memorandum na inilabas noon pang January 11, 2019 na ang shut off ay mangyayari mula 3:00am hanggang 10:00am sa January 19 sa Cebu City, Mandaue City at Lapu-Lapu City para sa fluvial procession ng Sto. Nino na bahagi ng Fiesta Señor celebration.
Muli naman itong gagawin sa bandang hapon hanggang 8:00pm para naman sa isa pang prusisyon sa kaparehong araw.
Sa January 20 naman ay muling magpapatupad ng signal shutoff mula 3:00am hanggang 7:00pm para sa Sinulog Grand Parade.
Nagpaalala ang NTC na makararanas ng paghina ng signal sa ilang mga lugar sa Bohol sa nasabing mga araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.