PNP sa mga raliyista: ‘Wag kayong maging bayolente’
Dumepensa ang Philippine National Police (PNP) sa paggamit ng water canon sa mga raliyista sa Buendia-Roxas Boulevard kasabay ng huling araw ng APEC summit.
Sa ginawang APEC security update, sinabi ni PNP spokesman Wilben Mayor na hindi ginawang pressurized ang tubig na pinambomba sa mga nag-protesta para makasakit sa sinuman.
Ang intensyon aniya ng water canon ay para pahupain ang emosyon sa lugar.
Tubig anya ang ginamit ng pulisya dahil ‘less lethal’ ito o hindi gaanong nakakasakit, “palamig muna tayo konti,” ani mayor.
Dagdag ng opisyal, gagamit lang ang mga pulis ang pwersa kung kinakailangan.
Umapela din si Mayor sa mga raliyista na huwag maging bayolente sa paglalahad ng kanilang mga saloobin.
Iginiit ni Mayor na iligal ang rally ng mga militante sa Pasay City dahil hindi sila binigyan ng permit to rally ng lokal na pamahalaan.
Sa isyu naman na overkill ang PNP laban sa mga raliyista, ikinatwiran ni Mayor na mabuti na ang “over-prepared” kaysa “under-prepared.”
Iniimbestigahan naman ng PNP kung totoong may mga dayuhan sa mga rally kasabay ng APEC leaders’ meeting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.