2 cargo vessel na sangkot sa banggaan sa Cebu, pagpapaliwanagin ng MARINA

Padadalhan ng show cause orders ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang MV Eastern Endeavour at LCT Poseidon 29 na nagbanggaan sa Shell Island, Mactan, Cebu noong Sabado ng gabi Enero 12.

Ang cargo vessel na MV Eastern Endeavour na mayroong bigat na 6,269 gross tonnage (GT) ay pag-aari ng Eastern Shipping Services, Inc. na naka-base sa Maynila.

Ang LCT Poseidon 29 naman na ang bigat ay 965 GT at isang cargo vessel ay pag-aari ng Concrete Solutions, Inc. na naka-base sa Tacloban City.

Batay sa report ng Vessel Traffic Management System (VTMS) sa Cebu, niradyuhan na ang crew nang paparating na MV Eastern Endeavour na nasa Cebu-Mactan Channel sa Shell Island patungkol sa papaalis na LCT Poseidon 29 na umusad na patungong katimugan.

Hiniling umano ng MV Eastern Endeavour na payagan silang makapasok at hiniling din sa LCT Poseidon 29 na mag-maniobra at manatili sa pantalan ngunit dahil umano sa sobrang lapit na sa isa’t isa ay hindi na naiwasan ang banggaan.

Ligtas naman ang mga tripulante ng dalawang cargo vessel.

Noong Sabado rin ng gabi ay ligtas na nakarating sa Cebu International Port ang MV Eastern Endeavour habang ang LCT Poseidon 29 ay nakapag-angkla sa Talisay Anchorage.

Read more...