Baril na ginamit sa pagpatay sa bowling coach sa San Juan narekober ng PNP

By Len Montaño January 15, 2019 - 08:21 PM

FB photo

Tugma ang mga bala na pumatay kay bowling champion Angelo Nathaniel Constantino sa baril na narekober sa pasukan ng bowling center sa Greenhills, San Juan City.

Ayon sa Eastern Police District (EPD) Crime Laboratory, ang narekober na apat na basyo ng bala at apat na ipinutok na bala sa crime scene ay tugma sa baril na nakitang iniwan sa kaliwang bahagi ng entrance gate papuntang basement parking ramp ng gusali.

Ang baril ay isang .45 caliber Para Ordnance na may serial number 125706 na nakitang intact pa rin ang magazine at may laman pang tatlong bala.

Pero sinabi ng pulisya na hindi pa natutukoy kung sino ang may-ari ng abandonadong baril.

Noong Biyernes ay tatlong beses na binaril ng malapitan sa ulo si Constantino sa loob ng E-lanes Bowling Center kung saan siya ang manager.

Ayon sa pulisya, ang suspek ay nakasuot ng asul na T-shirt, maong na pantalon at may medical mask sa mukha at nagpanggap na customer sa kalapit na restaurant.

Inaalam pa ng pulisya ang lahat ng posibleng anggulo sa kaso kasunod ng pagkuha ng pahayag mula sa mga testigo.

TAGS: angel constantino, bowling, greenhills, pnp. caliber 45, angel constantino, bowling, greenhills, pnp. caliber 45

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.