Pagpasok ng Chinese investors sa Hanjin hindi isyu ayon sa Malacañang

Inquirer file photo

Walang nakikitang mali ang Malacañang sakaling mag-takeover ang ilang Chinese firm sa operasyon ng bangkaroteng Hanjin Philippines sa Subic, Zambales.

Ang Hanjin na isang shipyard firm na itinatag ng mga Koreanong negosyante ang siyang pinaka-malaking business investment sa loob ng Subic Bay Freeport bago ito nagdeklara ng pagkalugi.

Kamakailan ay sinabi ni dating Navy Chief Alexander Pama na hindi dapat bigyan ng access ang anumang Chinese firm sa isa sa pinaka-importanteng navigational spot sa bansa tulad ng Subic.

Ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na negosyo lang naman ang interes ng ilang mga Chinese investors sa Hanjin.

Bukod dito ay hindi pa naman naisasapinal kung sila na nga ba ang magpapatakbo sa nasabing shipyard.

Ikinatwiran pa ng kalihim na maraming mga negosyanteng Pinoy ang interesado na isalba ang Hanjin operations sa bansa.

Ang Hanjin ay may pagkakautang na $412 Million sa ilang bangko sa bansa maliban pa sa $900 Million na loan nila sa ilang South Korean business group.

Nauna dito ay sinabi ni Pama na masyadong malapit ang Subic sa Scarborough shoal at lubhang delikado kung bibigyan ng access ang China sa nasabing lugar.

Noong nakalipas na taon ay umaabot sa 7,000 mga Pinoy employees ang inalis ng Hanjin at nanganganib ring mawalan pa ng trabaho ang natitirang 3,000 mga empleyado dahil sa pagkalugi ng nasabing kumpanya.

Read more...