Malaysian arestado sa NAIA dahil sa pekeng PH passport
Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Malaysian National dahil sa paggamit ng pekeng Philippine passport.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nadakip ang 36 anyos na si Toong Yuen Chin, 36 anyos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Tinangka ng dayuhan na umalis ng bansa sakay ng Air Asia flight patungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Pero sinabi ni Grifton Medina, port operations chief ng BI, naghinala ang mga immigration personnel kay Chin nang hindi maiproseso ng passport reader sa NAIA ang pasaporte nito.
Sa nasabing passport, gumamit ang dayuhan ng pangalan na Jacky Cruz Chin.
Sa isinagawang secondary inspection, umamin din ang dayuhan na siya ay Malaysian at isang fixer na nagngangalang ‘Lawrence’ ang tumulong sa kaniya para makakuha ng pekeng Philippine passport.
Agad dinala ang dayuhan sa BI Detention Center sa Camp Bagong Diwa kung saan siya ikukulong habang ipinoproseso ang deportation proceedings laban sa kaniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.