Mga panukalang batas na isinusulong ni Batocabe, pinaaksyunan ni Speaker GMA

Inatasan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang mga miyembro ng Kamara na kaagad ipasa ang mga panukalang batas na inihain ng nasawing si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.

Sa eulogy ni Arroyo sa memorial service ni Batocabe sa plenaryo, sinabi niya na mayoong 40 national bills na naihain si Batocabe at kasalukuyang dumadaan sa iba’t ibang legislative process.

Umaasa ang speaker na ang mga kasamahang kongresista mula sa 17th Congress ay mamadaliin ang pagpasa ng mga panukala ng nasawing kongresista.

Kinilala din niya ang pagiging masipag na kongresista ni Batocabe dahil sa kaniyang mga panukala, 34 dito ay naging ganap na batas na may national coverage at anim dito ang nakatutok sa pagbibigay edukasyon sa mga Filipino.

Inihalimbawa rito ni Arroyo ang ipinanukala ni Batocabe na naging batas ang Republic Act 10687 o ang “Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFast) Act at ang RA 10627 o ang “Anti-Bullying Act of 2013.”

Inilarawan din niya si Batocabe bilang masayahing tao at walang takot na harapin ang mga masasama sa Daraga kahit ibuwis ang kanyang buhay.

Read more...