Mga makinang mag-iimprenta ng balota para sa May elections, ipinakita ng Comelec

Ininspeksyon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga makina na kayang mag-imprenta ng isang milyong balota kada araw na gagamitin sa May 13 midterm elections.

Ayon kay Vicky Dulcero, vice chairman ng Comelec printing committee, nakatakda ang imprenta ng mga balota mula January 22 hanggang April 30.

Ang National Printing Office (NPO) ang mag-iimprenta ng mga balota para sa tinatayang 61 milyong rehistradong botante.

Sa ngayon ay nireresolba pa ng Comelec ang mga petisyon laban sa ilang naghain ng Certificates of Candidacy (COC) at sa susunod na linggo ay inaasahang maglalabas ang ahensya ng pinal na listahan ng mga kwalipikadong kandidato.

Sa inspekyon sa mga pasilidad ng NPO sa Quezon City, ipinakita ni Dulcero ang mga makina na nag-iimprenta ng natitirang mga balota para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) plebiscite.

Ang naturang mga makina ang mag-iimprenta rin ng mga balotang gagamitin sa halalan sa Mayo.

Read more...