Naramdaman ang tensyon sa deliberasyon ng 2019 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang kuwestiyunin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang paglobo ng budget ng ahensiya.
Hiningi ni Lacson ang paliwanag ukol sa P75 bilyon na naidagdag sa pondo ng DPWH at hindi ito naipaliwanag ni Sen. Loren Legarda, ang chairperson ng Senate Committee on Finance.
Dinikdik pa rin ni Lacson ang isyu at may pagkayamot na hinanap ni Legarda si Budget Secretary Benjamin Diokno para ito ang magpaliwanag.
Sa pagdinig, inamin ni DPWH Secretary Mark Villar na P680 bilyon ang inihirit nilang budget para ngayong taon bagama’t ang kanilang budget ceiling ay P480 bilyon lang.
Ngunit ang budget ng DPWH sa ilalim ng National Expenditure Program ay P555 bilyon at ang karagdagang P75 bilyon ang kinuwestiyon ni Lacson.
Maging si Sen. Cynthia Villar, ina ni Sec. Villar ay lumapit kay Lacson at kinompronta ito habang naka-break ang deliberasyon.
Maging si Senate Minority Leader Franklin Drilon ay kinuwestiyon na rin ang dagdag-pondo at inusisa ang napaglaanan ng pondo ng kagawaran.
Sumagot si Villar at sinabi na inaayos pa nila ang distribusyon ng kanilang lumobong pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.