4 patay sa pag-arangkada ng gun ban sa Central Luzon
Patay ang apat na lalaki matapos makaengkwentro ang mga pulis ilang sandali lamang matapos ipatupad Linggo ng hatinggabi ang nationwide gun ban para sa May 2019 midterm elections.
Pasado ala-1:00 ng madaling araw kahapon nang makipagpalitan ng putok ang dalawang lalaki sa police officers na nagbabantay sa Comelec checkpoint sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay Bulacan Police Director Sr. Supt. Chito Bersaluna, umiwas ang dalawang lalaking sakay ng motorsikslo sa checkpoint dahilan para habulin ito ng mga pulis.
Pinaputukan anya ng baril ng dalawang suspek ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga ito ng putok at kanilang ikinamatay.
Nakuha sa crime scene ang motorsiklo at kalibre .45 at .38 na mga baril na ginamit umano ng mga suspek.
Sa San Antonio, Nueva Ecija naman, patay din ang isang lalaki matapos manlaban sa mga pulis na nagmamando ng checkpoint.
Nakuha mula dito ang isang ‘paltik’ o homemade gun.
Makalipas ang ilang oras sa kalapit na Gapan City, iniulat ni Keanu Nuñez sa pulisya ang ginawang pagnakaw sa kanyang motorsiklo.
Dahil dito ay naglatag ng checkpoint ang mga pulis sa Barangay Sto. Cristo Norte.
Nagresulta ito sa pagkakasawi ng isa sa dalawang nagnakaw ng motorsiklo habang ang isa pa ay nakatakas.
Nakuha sa napatay na suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu, kalibre .38 na baril at ang motor ni Nuñez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.