Unity Walk: Martsa para sa mapayapang halalan 2019 sa Zamboanga Del Norte
Dipolog City – “No to private armies! Yes to clean election!”—Yan ang sigaw ng mga lumahok sa unity walk and peace rally sa Dipolog City.
Sumama sa unity walk ang mga kasalukuyan at dating mga opisyal ng Zamboanga del Norte sa pangunguna ni 1st District Representative Bullet Jalosjos.
Linggo ng umaga nang magmartsa ang tinatayang nasa 300 na indidibiduwal para isulong ang malinis na halalan sa Mayo ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Congressman Bullet Jalosjos, ang unity walk ay bahagi ng patuloy nilang pakikibaka para mabuwag ang SCAA o Special Civilian Armed Auxiliary, isang uri ng private armed groups (PAGs) sa lalawigan.
“It’s a continued battle, banging doors of Congress, banging doors of Malacañang and the national government to look into our province. For the past two elections, the people felt helpless,” sabi ni Jalosjos.
Paliwanag ng mambabatas, ang unity walk ay pagpapakita ng kanilang pagtutol sa imbitasyon ng Provincial Police Office at ng local Comelec registrar para sa isang covenant signing. Paimbabaw aniya ang peace covenant signing kung sa papel lang.
“Unless the other camp is sincere enough, or will the police and Comelec orders to disband the SCAA to let them back to barracks, Kung pipirma kami eh para lang kami naglolokohan dito,” giit pa ng mambabatas.
Sa pangamba na maulit muli ang nangyaring karahasan sa nagdaang dalawang eleksyon noong 2013 at 2016 ay hiniling ni Jalosjos sa House Committee on National Defense na tutukan ang mga insidente ng karahasan sa Zamboanga del Norte.
Sa katunayan, mismong si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo aniya ay lumagda sa isang resolusyon na co-sponsored ni Jalosjos para i-deactivate ang SCAA ngayong nalalapit na eleksiyon.
Ikinuwento rin ng kongresista kung paano siya nabiktima ng pamamayagpag ng private armed groups
Noong July ng taong 2016 ay isa sa kanyang mga tauhan.
“I don’t have idea why the governor is mum in this issue?, No need for SCAA specially now that Mindanao is under martial law, [there is] no reason to hire people who are not trained” dagdag pa ni Jalosjos.
Samantala, ibinalita rin nito ang pinakahuling insidente ng aniya ay harassment kung saan sinunog ang bus na pag-aari ng isa sa mga kandidato nila nito lamang nakaraang araw.
Samantala, sumama rin sa unity walk ang ilang mga kabataan sa pangunguna ni Ralph Alray Alberca, ang pangulo ng Supreme Student Government ng Jose Rizal Memorial State University (JRMSU)-Dapitan campus.
Sabi ni Alberca, hindi magandang halimbawa para sa kanilang mga kabataan na sa tuwing may halalan ay may namamatay.
“Sumama po tayo dito to show our strength na merong mga pagbabago na mangyayari sa election. Because, in the past two elections ang nangyari sa probinsya natin may namamatay, May nahaharass parang di maganda na halimbawa sa aming mga kabataan na lumaki kami na may takot sa aming probinsiya, every time na magkakaroon ng election. So, we are here nag-unite kami as one to show to the people in Zamboanga del Norte na gusto namin ng pagbabago sa election, that we want to have a peaceful, clean election,” giit ni Alberca.
Aniya, kailangan nila ngayon ang pagbabago lalo’t mayorya o 70 porsyento ng voting population ng Zamboanga del Norte ay pawang mga kabataan.
“We are also fighting for good governance in our province and also we want to promote equal rights of all the people. We want change,” dagdag ni Alberca.
Nagkuwento naman ang dating alkalde ng bayan ng Tampilisan na si Alson Chan kung paano siya binugbog at na-harrass ng mga miyembro ng SCAA.
Sa katunayan, dinidinig aniya sa hukuman ngayon ang kasong isinampa niya laban sa mga miyembro ng SCAA na may kaugnayan sa paglabag sa Section 261 ng election law o threat, intimidation and terrorism.
“Sa ngayon, may hinaharap sila na kaso dahil nag-file ako ng complaint doon sa Comelec which pinadalhan ng investigator dito sa province namin at nakita na may probable cause,” paliwanag ni Chan.
Sa panig naman ni dating Zamboanga del Norte Governor Rolando Yebes, sinabi nito na dati-rati ay sumasama sila sa peace covenant pero nagbago ang kanilang pananaw hinggil dito dahil hindi naman nakasaad sa covenant ang pag-alis ng private armed groups o SCAA sa lalawigan.
Ibinunyag din nito na nasa P344 milyon ang pondo na inilaan ng pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Norte para sa SCAA habang P130 milyon naman ang pondo na iginugugol ng Dipolog City government.
Sa kasalukuyan aniya ay halos 600 na ang bagong nadagdag sa bilang ng SCAA na ang karamihan ay mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit o CAFGU.
Aniya, simula nang mamayagpag sa lalawigan ang SCAA ay mahigit 200 katao na ang namamatay at karamihan sa mga ito ay hindi inimbestigahan ng pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.