VP Robredo, pinakakasuhan sa DFA ang dating contractor na sangkot sa “passport mess”

Iginiit ni Vice President Leni Robredo sa gobyerno na dapat masampahan ng kaso dating outsourced passport maker ng Department of Foreign Affairs o DFA, na sangkot sa umano’y pagnanakaw ng passport database.

Sinabi ni Robredo na nakakagimbal at nakakatakot ang nangyaring passport mess na kinakaharap ngayon ng DFA.

Lumalabas aniya na ang contractor na naatasan at may kontratang gumawa ng mga pasaporte ay itinakas ang buong data system.

Ayon kay Robredo, hindi pag-aari ng contractor ang mga data na nakuha nito sa mga passport holder, at kailangan na mapanagot ito sa isyu.

Nauna nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na dahil na-terminate ang kontrata ng contractor ay gumanti ito sa pamamagitan ng pagnakaw ng mga data.

Ito ang isa sa rason kung bakit kailangan nang magprisenta ng birth certificate ang mga magre-renew ng kanilang pasaporte.

Wala pa namang reaksyon si Robredo sa mistulang paninisi ni Locsin sa mga “dilawan” kung bakit nangyari ang passport mess.

Si Robredo ay miyembro ng Liberal Party, na kilala sa kulay na dilaw.

Read more...