Manila Bay rehab, aabot ng 7 taon; gagastos ng P47 billion – DENR
Aabot ng pitong taon at gagastos ng P47 billion ang rehabilitasyon ng Manila Bay, ayon sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Sa panayam ng Inquirer.net, sinabi ni Undersecretary Benny Antiporda na batay sa pahayag ni DENR Secretary Roy Cimatu ay susubukan ng pamahalaan na matapos ang rehabilitation process sa Manila Bay sa loob ng pitong taon.
Pero tiyak aniya na mayroon nang pagbabago sa Manila Bay sa loob ng isa o dalawang buwan.
Sinabi ni Antiporda na hindi magiging madali ang rehabilitasyon ng Manila Bay dahil sa tindi ng kontaminasyon sa tubig.
Kabilang naman sa paglalaanan ng multi-bilyong pondo ay ang clean-up activities at paglilipat sa informal settlers.
Ayon kay Antiporda, ang P47 billion ay naunang panukala ng gobyerno pero maaaring bumaba ito sa tulong ng pribadong sektor.
Ang rehabilitation process sa Manila Bay ay mag-uumpisa sa January 27, at sisimulan ito sa tinatawag na “Billionaire’s Lane” kung saan matindi ang fecal coliform level.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.