Isang hinihinalang terorista ang naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong mismong araw ng Pasko.
Pero minabuti ng NCRPO na hindi agad isapubliko ang pagkakahuli sa nasabing suspek at patapusin muna ang traslacion.
Ayon kay NCRPO Dir. Guillermo Eleazar, gabi ng Disyembre 25 nang maaresto si Jeran Aba alias Abu Sinan sa Quiapo.
Sinabi ni Eleazar na miyembro ng Dawlah Islamiya terror group si Aba.
Aniya nasa Maynila si Aba para magsagawa ng pambobomba sa Kapaskuhan at maging sa mga pagdiriwang.
Una nang kumalat ang impormasyon na may nahuling terorista ang PNP at balak diumano nito na bombahin ang prusisyon ng Itim na Nazareno.
Sa pahayag ng NCRPO wala naman nabanggit ukol sa planong pambobomba sa isinagawang traslacion.
Noong 2016 miyembro pa ng MILF si Aba at nakibahagi din ito sa Marawi City siege.
Nahaharap sa mga kaso si Aba dahil nakumpiskahan siya ng baril at granada.
Samantala noong Dec. 20, isang most wanted na miyembro ng Abu Sayyaf ang naaresto din ng NCRPO sa Binondo, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Sudais Asmad, alyas Abu Nas, Suhud at Jul na sangkot sa pagdukot sa labinglimang empleyado ng Gilden Harvest Plantation noong 2011.
Si Asmad ay miyembro ng Abu Sayaf Group sa ilalim ng Dawlah Islamiyah.