Nangunguna pa rin si Sen. Grace Poe sa mga pinagpipilian ng mga mamamamayan na maging susunod na pangulo ng bansa.
Mistulang hindi natinag si Poe sa kaniyang posisyon sa kabila ng mga isyu na ibinabato sa kaniya.
Ayon sa pinakahuling Pulse Asia presidential survey na ginawa mula October 18 hanggang 29 sa 3,400 na respondents, nangunguna pa rin sa listahan si Poe dahil sa natamasa nitong 39 percent.
Tumaas ng 13 points si Poe mula sa nakuha niyang 26 percent noong September.
Ikalawa naman sa survey si Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 24 percent, mula sa dati niyang 19 percent.
Tumaas naman ng isang puntos ang nakuha ni Mar Roxas sa 21 percent na nagpanatili sa kaniya sa ikatlong pwesto.
Mula sa 3 percent, umakyat naman sa 11 percent ang nakuha ni Sen. Miriam Defensor-Santiago
Samantala, kasabay ni Poe ay nanguna rin sa vice presidential survey ang katandem niyang si Sen. Francis Escudero na nakakuha ng 43 percent.
20 percent ang iniakyat ng puntos ni Escudero mula sa 23 percent noong September.
Sinundan siya ni Sen. Ferdinand Marcos sa ikalawang pwesto na nakakuha ng 21 percent mula sa dating 13 percent.
Sunod ay si Sen. Alan Peter Cayetano na may 11 percent mula sa 9 percent.
Si Camarines Sur Rep. Leni Robredo naman ay nakakuha ng 7 percent mula sa dating 3 percent.
Pinakahuli naman sa listahan si Sen. Antonio Trillanes IV na nakakuha ng 6 percent mula sa dating 4 percent.