Pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge bukas Jan. 12 iniurong muli; sa Jan. 19 na lamang gagawin ayon sa MMDA
Hindi muli itutuloy ang pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge bukas, Jan. 12.
Ang naturang tulay ang nagdudugtong sa Barangka Drive, Mandaluyong City at Rockwell sa Makati.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni MMDA Special Operations Officer at EDSA traffic chief Bong Nebrija na hiniling nila sa DPWH at sa contractor ng proyekto na ipagpaliban pa ng ilang araw ang pagsasara ng tulay para mas maimpormahan ang mga motorista.
Kahapon ay nag-usap umano sila ni MMDA General Manager Jojo Garcia at Jan. 19 ang napagkasunduang tentative date sa pagsasara.
Nais ng MMDA na magkaroon pa ng mas mahabang panahon para mapaghanda ang mga motorista sa magiging epekto ng closure.
Ani Nebrija, hinihiling din nila sa DPWH na magkaroon ng simulation upang makita ng aktwal ang magiging epekto nito.
Mahigit dalawang taon kasi tatagal ang closure, dahil bubuo ng panibagong tulay na apat na ang linya, may bicycle lane at mayroon ding pedestrian lane.
Pero sa kasagsagan ng pagsasara, maraming motorista ang maaapektuhan na araw-araw dumadaan sa nasabing tulay.
Kaugnay nito sinabi ni Nebrija na pinapayuhan nila ang mga motorista at commuters na regular dumadaan sa Estrella-Pantaleon Bridge na magdagdag ng isang oras sa kanilang biyahe sa sandaling maipatupad na ang closure.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.