Pag-aresto sa mga mamamahayag sa Manila Peninsula Siege, pinagtibay ng SC

Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagbasura sa P10 milyong halaga ng class suit na inihain ng 37 na mamamahayag laban sa gobyerno kaugnay ng Manila Peninsula siege.

Ayon sa Supreme Court, may kapangyarihan ang pamahalaan na ipatupad ang batas lalo na sa emergency situation at parusahan ang lumabag dito kabilang ang mga miyembro ng media.

Sa pagpapatibay ng desisyon ng Makati City Regional Trial Court at Court of Appeals, sinabi ng Supreme Court First Division na hindi nalabag ang freedom of speech at press o kalayaan ng mga print at broadcast journalists nang arestuhin sila ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Valid umano ang pag-aresto sa media members para hindi mapahamak ang kaligtasan ng mga sibilyan ng pasukin ang Manila Pen ng mga miyembro ng Magdalo group.

Ayon pa sa Korte Suprema, tama ang CA at Makati RTC Branch 56 sa pagbasura sa kaso dahil hindi napatunayan ng mga petitioners na nalabag ang kanilang constitutional rights.

Matatandaan na noong November 29, 2007, pinasok ng mga miyembro ng Magdalo, kabilang si Senator Antonio Trillanes IV, ang Manila Pen at nagpatawag sila ng press conference at nanawagan na patalsikin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Kabilang sa mga inarestong mamamahayag sina Jessica Soho, Ed Lingao, Roby Alampay at Ellen Tordesillas.

Read more...