Marawi rehab project hirap sa paghahanap ng mga kontratista

Inquirer file photo

Aminado ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na nahihirapan silang maghanap ng kontratista para sa kanilang proyekto sa Marawi City.

Kabilang dito ang plano nilang pagtatayo ng P200 Million na multi-purpose center sa loob ng nasabing lungsod.

Sinabi ni FFCCCII President Domingo Yap na takot na mangasiwa sa proyekto ang kanilang mga nakausap na mga building contractor.

Nilinaw ni Yap na walang problema sa pondo ng proyekto pero ang mas pino-problema nila ngayon ay ang mga kontratista na tumatanggi sa kanilang alok na pagtatayo ng mga infrastructure projects sa lugar.

Patunay umano ito na hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang banta sa seguridad sa lungsod ng Marawi.

Nauna nang sinabi ng pamahalaan na magtatalaga sila ng sapat na tauhan ng militar sa lugar para sa rehabilitasyon ng Marawi City at kabilang dito ang extension ng martial law sa buong Mindanao.

Ipinaliwanag pa ni Yap na maraming mga grupo ng mga negosyante ang handang tumulong sa pamahalaan para sa muling pagbangon ng nasabing lungsod na sinira ng digmaan sa pagitan ng ISIS-inspired na Maute group at ng tropa ng pamahalaan.

Read more...