Panelo: Medical bulletin ng pangulo hindi isasapubliko

Inquirer file photo

Nanindigan ang Malacañang na hindi nila ilalabas sa publiko ang detalye ng kalusugan ng pangulo maliban na lamang kung malala ang sakit nito.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, “”No. It will not release a medical bulletin because the Constitution requires serious illness.”

Alam umano ng pangulo ang kanyang kalagayan at siya mismo ang magsasabi nito sa publiko kung mayroon siyang malubhang sakit tulad ng mga inilulutang ng kanyang mga kritiko.

Sa simula pa lamang ay hindi naman inilihim ng pangulo ang kanyang mga nararamdaman ayon pa sa kalihim.

Dagdag pa ni Panelo, “He is in fact the most transparent president. He keeps on telling us ito ang sakit ko, maysakit ako. Wala nga akong alam na presidenteng ganun. Siya nga ang pinaka-transparent.”

Kamakailan ay lumabas ang resulta ng Social Weather Station Survey na nagsasabing 66 percent ng mga Pinoy ang nag-aalala sa kalagayan ng kalusugan ng pangulo.

Umaabot naman sa 44 percent ang nagsasabing naniniwala sila na may sakit ang lider ng bansa.

Imbes na pagdudahan ang lagay ng pangulo, sinabi ng kalihim na nasabing survey ay patunay lang na marami ang nagmamahal dahil concerned sila sa sitwasyon ng pangulo.

Nauna nang sinabi ng pangulo na mayroon siyang spine injury at Buerger’s disease na madalas niyang iniinda.

Read more...