Mataimtim na naidaos ang tradisyonal na ‘Dungaw’ ng Birheng del Carmen sa Itim na Nazareno kagabi.
Sa pagdating ng andas ng Poong Itim na Nazareno sa Plaza del Carmen bandang alas-10:38 ng gabi, inilabas na ang imahen ng Our Lady of Mount Carmel ng San Sebastian Church.
Bukod sa panalangin na pinangunahan ng mga pari, naging marubdob ang naging pag-awit ng mga deboto ng ‘Ama Namin’.
Sinalubong din ang pagtatagpo ng dalawang imahen ng pagsigaw ng “Viva Jesus Padre Nazareno at Viva Birheng del Carmen kung saan isinagot ng mga deboto ang ‘Viva’ at ‘Guapa’.
Nauna nang sinabi ni Fr. Rommel Rubia, dating parish priest ng Basilica Minore de San Sebastian na ang ‘Dungaw’ ay isa lamang religious courtesy.
Hindi ito ang inaakala ng marami na biblical scene kung saan nakatagpo ni Hesus ang kanyang ina patungong kalbaryo.
Ani Fr. Rubia, ang ‘Dungaw’ ay literal na pagsulyap kung saan inilalabas sa bintana ang isang imahen na hindi kasama sa prusisyon.