Mas kaunting basura nakuha sa Traslacion 2019 ayon sa NCRPO
Mas kaunti ang mga basurang tumambad sa Traslacion ngayong taon kumpara noong 2018 ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar.
Naniniwala si Eleazar na ang kaunting basura ngayong taon ay dahil sa pagpapatupad ng ‘no vendor policy’ sa mga dinaanan ng Traslacion at maging sa paligid ng Quiapo Church.
Katuwang ng pulisya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatupad ng polisiya.
Sa kabila ng ‘no vendor policy’ marami pa rin naman ang nagtinda sa paligid ng Quiapo Church.
Aminado si Eleazar na hindi isandaang porsyentong naisakatuparan ang kautusan dahil sa pasaway na mga tindero at tindera na kapag sinita ay bumabalik din agad sa pwesto.
Umaasa ang police official na sa mga susunod na Traslacion ay susunod ang mga pasaway na tindero upang mas kaunti pa ang basurang mahakot.
Pinuri naman ni Eleazar ang bilis ng MMDA sweepers sa pagkolekta ng mga basura sa dinaanan ng prusisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.