Traslacion nananatiling “generally peaceful” ayon sa PNP

Inquirer file photo

Sa pagkagat ng dilim ay sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na nananatiling mapayapa sa kabuuan ang ginaganap na Traslacion ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Maynila.

Sinabi ng pinuno ng PNP na umaasa siyang magpapatuloy ang kaayusan hanggang sa maibalik ang Black Nazarene sa loob ng Quiapo Church.

Maliban sa ilang kaso ng nawawalang mga wallet at cellphone ay wala nang naitalang kaguluhan ang PNP partikular na ang Manila Police District.

Tiniyak rin ni Albayalde na mananatili ang sapat na bilang ng mga pulis sa paligid ng Quiapo area hanggang sa matapos ang Traslacion.

Kaninang alas-sais ng umaga ay pansamantala ring pinatay ng mga telecom companies ang signal ng cellphone sa lugar para sa kaligtasan ng publiko.

Kaagad namang ibabalik ang cellphone signal pati na rin ang mobile internet connection sa lugar oras na matapos ang prusisyon.

Samantala, bago mag-alas sais ng gabi kanina ay nasa gitnang bahagi na ng Castillejo st. ang andas na naglalaman ng imahe ng Black Nazarene.

Kundi magbabago ng bilis ng takbo ng Traslacion ay inaasahang makakababalik ang imahe sa Quiapo church mamayang alas-dose ng hatinggabi.

Read more...