Bumaba ng 34 percent ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa pagsalubong sa 2019 kumpara sa nakaraang taon ayon sa Department of Health (DOH).
Sa kanilang fireworks-related injuries (FWRI) report, sinabi ng DOH na 340 kaso ang naitala mula December 21, 2018 hanggang January 5, 2019.
Mas mababa ito ng 175 kaso sa naitala sa kaparehong panahon noong pagsalubong sa 2018.
Sa naturang bilang 338 ang naputukan habang dalawa ang nakalunok ng fireworks.
Karamihan o 78 percent ay nasugatan nang hindi napuputulan ng bahagi ng katawan, three percent ang naputukan at naputulan ng bahagi ng katawan, habang 25 percent ang natamaan ng paputok sa mata.
Nagdulot ng pinakamaraming injuries ang kwitis, lusis, piccolo, bogo at triangle.
Samantala, pinayuhan ang mga nabiktima pa ng paputok na magpagamot upang maiwasan ang tetanus na posibleng ikamatay.
Kahit bumaba ang fireworks-related injuries, tiniyak ng DOH na ipagpapatuloy nila ang kanilang Iwas Paputok Campaign upang maabot ang zero target.