Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga deboto na sasama sa Traslacion na tiyaking maayos ang kanilang kalusugan.
Sa isang statement, hinimok ni Health Sec. Francisco Duque III ang mga lalahok sa Traslacion na agad na magpakonsulta sa medical teams sakaling makaranas ng anumang sakit o karamdaman.
Pinayuhan ang mga deboto na magdala ng tubig upang makaiwas sa dehydration at magsuot lamang ng komportableng pananamit.
Pinaaalalahanan din ang mga mayroong maintenance drugs na dalhin ang kanilang gamot tulad ng may hika, hiypertension at diabetes.
Bukod dito, pinagdadala rin ang mga deboto ng kanilang identification cards upang ma-kontak ang kanilang mga kaanak kung kinakailangan.
Pinayuhan naman ang mga may sakit, buntis at may seryosong kondisyong medikal na huwag nang sumama pa sa prusisyon.
Naka-‘code white’ hanggang bukas, January 10, ang mga ospital ng gobyerno sa Metro Manila at handang rumesponde kung kinakailangan.