Duterte nagbabala sa panganib ng paninigarilyo

Nagbabala sa publiko si Pangulong Rodrigo Duterte sa panganib na maaaring idulot ng paninigarilyo sa kalusugan.

Ito ay matapos ipahayag ng presidente ang suporta sa panukalang itaas ang excise tax sa tobacco at alcohol products.

Sa kanyang talumpati sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City, sinabi ni Duterte na maaaring makakuha ng emphysema o cancer ang mga naninigarilyo.

Dismayado ang pangulo dahil kahit bagong henerasyon kabilang ang mga batang babae ay naninigarilyo.

Ito anya ang dahilan kung bakit ipinagbawal niya ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Davao City.

Ayon kay Duterte, wala siyang nakikitang pagbabago dahil kahit mataas na ang presyo ng alcohol at sigarilyo, mataas pa rin ang kinikita ng gobyerno mula rito.

Matatandaang noong 2017, nilagdaan ng presidente ang isang kautusang nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.

Read more...