Kapwa nagkasundo sina US President Barack Obama at Pangulong Benigno Aquino III sa posisyon nilang dapat na itigil ng China ang reklamasyon sa West Philippine Sea.
Sa ginawang bilateral meeting sa pagitan nina Obama at Aquino sa Sofitel Hotel, sinabi ni Obama na ang patuloy na reclamation at militarisasyon ng China sa Asya ay banta sa katatagan ng rehiyon.
Aminado si Obama na hindi ‘claimant country’ sa West Philippine Sea ang US pero suportado nito ang isinusulong na arbitration ng Pilipinas.
Handa din aniya ang Amerika na idepensa ang Pilipinas tulad ng nakasaad sa mutual defense treaty.
Una nang tiniyak ni Obama na ang alyansa ng Pilipinas at US ay malakas at inaasahan niyang lalakas pa ito sa pinag-ibayong joint exercises at pakikipagtulungan sa mga multilateral organization.
Pinasalamatan ni Aquino ang tulong ng Estados Unidos para magkaroon ang pilipinas ng kakayahan na idepensa ang sarili laban sa mga kinakaharap nitong security situation partikular sa West Philippine Sea.
Sa press statement ni Pangulong Aquino pagkatapos ng bilateral meeting nito kay Obama, sinabi nito na bilang isang treaty ally, nakakatanggap ang Pilipinas ng security assistance mula sa gobyernong US partikular na sa pamamagitan ng foreign military financing.
Ang National Coast Watch Center na nakumpleto ngayong taon ay naging posible rin dahil sa malaking tulong ng US.
Sinabi ni Pangulong Aquino na napag-usapan nila ni Obama ang isyu sa maritime security at maritime dispute kung saan nito iginiit ang paninindigan nito para sa freedom of navigation at overflight sa South China, base sa umiiral na International law.