Nagmamahal, tapat at nakikipag-isa kay Hesus, katangian ng tunay na deboto – Cardinal Tagle

By Rhommel Balasbas January 09, 2019 - 01:42 AM

Pagiging deboto kay Hesus. Dito sumentro ang homilya ng Kanyang Kabunyian, Luis Antonio Cardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila sa Fiesta Mass para sa Itim na Nazareno kaninang hatinggabi.

Ang banal na misa na bahagi ng overnight vigil ay pinangunahan ni Monsignor Hernando Coronel, Rector ng Quiapo Church habang ang homilist ay si Cardinal Tagle.

Ibinatay ng Cardinal ang kanyang sermon sa tema ng Traslacion 2019 na “Hinirang at Pinili upang maging Lingkod Niya,” ayon sa Aklat ni Isaias, Kabanata 49 Bersikulo 5.

Dapat anyang ipagdiwang ang debosyon sa Nazareno dahil isa itong biyaya at paghirang lalo’t ang Panginoong Hesus mismo ang unang naging deboto sa bayan ng Diyos.

Hinubad ni Kristo ang kanyang pagka-Diyos upang iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan na bahagi ng kalooban ng Diyos.

“Kaya ipagdiwang natin ang debosyon na ito, ito’y biyaya, ito’y paghirang. Kasi po, ang unang naging deboto sa atin ay si Hesus mismo. Siya ang deboto ng kanyang Ama sa langit, at ipinakita rin niya na siya ay devoted sa atin,” ani Tagle.

“Sa Ebanghelyo ayon kay San Juan, siya ay ang Anak ng Diyos na bumaba mula sa langit. Sabi nga ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, hinubad ang kanyang karangalan sa langit bilang Anak ng Diyos para makiisa sa atin, bumaba sa langit,” dagdag pa ng arsobispo.

Ayon kay Cardinal Tagle, ang tunay na deboto ng Hesus Nazareno ay may tatlong katangian at ito ay ang pagkakaroon ng tunay na pagmamahal, tapat na paglilingkod at nakikipag-isa kay Hesus.

Sinabi pa ng arsobispo na si Hesus dapat ang mahalin at hindi ang mga huwad na diyos.

TAGS: Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Nuestro Padre Jesus Nazareno, Traslacion 2019, Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Nuestro Padre Jesus Nazareno, Traslacion 2019

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.