Sa statement sa Cebu Daily News, sinabi ng OPAV na nasa lugar si Dino para sunduin ang ibang pasahero na naghihintay sa helicopter na magdadala sa kanila sa Batangas.
Nilinaw ng tanggapan na hindi lumapag ang chopper para lamang gumamit ng banyo si Dino.
Ayon kay OPAV Asst. Sec. Jonji Gonzales, ang chopper na sakay si Dino ay papunta sa Batangas para sa paglulunsad ng Malasakit Center doon.
Bumaba lang anya ang kalihim sa Ultra para sunduin ang ilang pasahero at habang hinihintay ang mga ito na makasakay sa chopper ay gumamit ito ng banyo.
Dagdag ni Gonzales, nagkaroon ng kaukulang protocol bago nag-landing ang helicopter sa field.
Nag-viral sa social media ang mga larawan ni Dino na naglalakad sa soccer field.
Umani ito ng mga reaksyon mula sa mga netizens na karamihan ay galit sa kalihim.
Ang mga litrato sa post ng Newsph.org ay galing sa hindi pinangalangang source na umanoy nagsabi na ang hindi inaasahang pagdating ni Dino ay naka-istorbo sa ginaganap na sports meeting.