DepEd, binawi ang endorsement letter sa memo ng PNP

Binawi ng Department of Education ang sulat na nag-eendorso ng memorandum ng Philippine National Police ukol sa umanoy profiling ng mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Ayon sa DepEd, ang pagbawi sa endorsement letters ng School Division Offices sa memo ng Philippine National Police ay kasunod ng pagka-alarma ng ACT sa profiling ng mga guro na miyembro ng grupo.

Sa statement ay sinabi ng DepEd na matapos ang konsultasyon sa kaukulang Regional Office ay ni-recall ang forwarding letter.

Kinumpirma rin ng ahensya na sinulatan ukol dito ang mga school heads sa pamamagitan ng acting division superintendent ng School Division Office.

Nilinaw naman ng DepEd na walang natanggap ang central office ng hiling sa PNP na imonitor ang mga gurong posibleng may kaugnayan sa ACT.

Dagdag ng ahensya, kung may matanggap silang hiling sa ibang ahensya ukol sa personal na impormasyon ng mga indibidwal, ito ay kanilang susuriin alinsunod sa batas at regulasyon kabilang ang Data Privacy Act.

Read more...