Mayor nakaligtas sa ambush sa Cotabato

Nakaligtas sa naganap na pananambang kaninang tanghali ang alkalde Libungan, Cotabato na si Mayor Christopher “Amping” Cuan.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang ambush kaninang 1:40 ng tanghali harap mismo ng munisipyo ng Libungan.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, sinasabing kabababa pa lamang ng alkalde sa kanyang sasakyan nang biglang may dumating na isang Toyota Hi-Ace Van sakay ang ilang armadong kalalakihan.

Pagbaba ng mga armadong suspek ay kaagad nilang pinagbabaril si Mayor Cuan pero mabilis siyang nakapagtago sa gilid ng municipal building.

Sa nasabing pamamaril ay tinamaan ng ligaw na bala at nasa ligtas namang kalagayan ang isang miyembro ng maintenance team ng lokal na pamahalaan ng Libungan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na rumesponde ang mga pulis sa lugar pero nabigo silang mahabol ang mga suspek.

Sa ngayon ay iniisa-isa na ng mga imbestigador ang mga CCTV sa lugar sa pag-asang nakunan ng camera ang plaka ng sasakyan ng mga armadong kalalakihan.

Tumanggi namang sabihin ni Cuan ang posibleng motibo sa krimen habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis sa lugar.

Si Cuan ay kasama sa mga listahan ng narco politician at noong 2016 ay sinalakay ang ilan sa kanyang mga bahay at gasoline station sa bayan ng Kabacan pero wala namang nakuhang droga.

Gayunman ay ilang mga high-powered firearms ang nakuha ng mga otoridad sa nasabing raid.

Read more...