Sinibak sa pwesto ang tatlong intelligence officer ng Philippine National Police dahil sa nag-leak na impormasyon kaugnay sa profiling sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Albayalde na galing ang mga sinibak na tauhan ng PNP sa Manila Police District station 3, Quezon City Police District Office station 6 at ang isa naman ay mula sa Zambales Provincial Police Office.
Nilinaw ni Albayalde na hindi dapat naglalabas ng balita ang kanilang mga tauhan lalo’t kung totoo nga na may ganung atas sa kanila ang liderato ng PNP.
Ipinaliwanag rin ni Albayalde na wala siyang inilalabas na utos na imbestigahan ang mga miyembro ng ACT na isa sa mga grupong idinidikit sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army.
Sinabi rin ng opisyal na hindi dapat kabahan ang mag miyembro ng ACT lalo na kung wala naman silang ginagawang masama o labag sa mga umiiral na batas.
Nauna dito ay sinabi ng ACT sa kanilang pahayag na ilang tauhan ng PNP ang nag-iikot sa mga paaralan kung saan ay kinukuha ang pangalan ng kanilang mga miyembro.
Sinabi rin ng Commission on Human Rights sa hiwalan na pahayag na bawal ang ginagawang profiling ng PNP kung meron man.