Maagang nagtipon-tipon sa bahagi ng Mendiola sa Maynila ang grupo ng mga katutubo.
Bitbit ng grupo ng mga Dumagat, Mangyan at Lumad ang mga sulo na mayroong sindi nang sila ay dumating sa Mendiola bago pa magliwanag kanina.
Pawang galing Sierra Madre ang mga Dumagat, habang sa Northern at Central Luzon at sa Mindanao naman mula ang mga Lumad na lumahok sa protesta.
Magmamartsa din ang nasabing grupo patungong Plaza Miranda.
Ayon kay Diego Torres, tagapagsalita ng Bayan Southern Tagalog, determinado sila na makalapit sa Roxas Boulevard para ipakita ang kanilang mariing pagtutol sa APEC na wala nama anilang dalang kabutihan sa hanay ng maliliit na mamamayan.
Layunin din ng mga katutubo na ipagsigawan sa gobyerno na mahinto na ang pagpatay sa mga Lumad sa Mindanao at maging ang pagbibigay proteksyon sa mga Dumagat sa pamamagitan ng pangangalaga sa bundok ng Sierra Madre.
Samantala, pinangunahan naman ng grupong Promotion of Church Peoples Response ang protesta sa bahagi ng Rahaj Sulayuman Park sa Maynila.
Sa pangunguna ni Fr. Ben Alforque, nagsagawa ng payapang pagkilos ang grupo na pawang mga nakasuot pa ng sutana.
Bitbit nila ang mga placards na nagpapahayag ng pagkondena sa APEC na tinawag nilang Advancing Poverty and Endangering Community.
Hindi naman pinigil ng anti-riot police na na makapagpahayag ang grupo na nagpakabasa pa sa kasagsagan ng buhos ng ulan.