Dating OFW binaril ang asawa at ang sarili sa labas ng simbahan sa Camiguin

By Rhommel Balasbas January 07, 2019 - 02:09 AM SHARE(S):
INQUIRER.net photo

Binaril ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang asawa bago barilin ang sarili sa labas ng isang simbahan sa Catarman, Camiguin, Linggo ng umaga.

Ayon sa Catarman police, kinilala ang biktima na si Ivy Linao, 35 anyos, empleyado ng munisipyo at ang kanyang asawa ay si Celmar Linao, 37 anyos.

Batay sa imbestigasyon, tinangkang barilin ng mister ang kanyang misis sa loob mismo ng San Roque Parish Church habang nagaganap ang misa ngunit hindi pumutok ang kanyang kalibre .45 na baril.

Ayon sa mga testigo, tumakbo ang misis sa side entrance ng simbahan at dito na siya naabutan ng kanyang asawa.

Tumama sa kaliwang braso ni Ivy ang bala para sana isanggalang sa kanyang mukha ngunit dumiretso pa ito sa kanyang bungo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Matapos barilin ang asawa, nagbaril na rin sa sarili si Celmar.

Ayon sa pulisya, lumalabas na selos ang motibo ng krimen.

Nakuha sa crime scene ang baril at dalawang basyo ng bala.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.