Nailigtas ng mga awtoridad ang 17 buhay na aso na iligal sanang ibebenta sa Gumaca, Quezon araw ng Linggo.
Nakatanggap ng impormasyon ang grupong Animal Kingdom Foundation Inc. na nakatakdang katayin ang mga aso.
Dahil dito, nakipag-ugnayan agad ang grupo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lalawigan para magkasa ng operasyon.
Kumagat sa transaksyon ang suspek mula sa Barangay Inaclagan na nakilalang si Jowie Medina.
Dito na nasagip ang 17 aso na nakabusal ang mga bibig at pilit na pinagkasya sa isang tricycle.
Nakatakas ang suspek na napag-alamang isang ‘dog catcher’ ng munisipyo.
Dahil dito, mahaharap si Medina sa mga kasong paglabag sa Animal Welfare Act at Anti-Rabies Law.
Naibigay na sa Animal Kingdom Foundation ang mga nailigtas na aso upang maalagaan.