Palasyo, kumpyansang mababasura ang petisyon laban sa ikatlong martial law extension

Kumpyansa ang Palasyo ng Malacañang na ibabasura ng Korte Suprema ang mga nakabinbing petisyon para ipahinto ang ikatlong martial law extension sa Mindanao.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tiwala silang mababasura lang ang petisyon na inihain ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.

Ani Panelo, ang grounds na inilahad ng mga miyembro ng oposisyon para kwestyunin ang muling pagpapalawig sa batas militar ay kapareho lamang ng nasa unang mga petisyon na ibinasura rin ng Korte Suprema.

Bigo umano ang oposisyon na magbigay ng mga bagong argumento at iginiit na nananatili ang rebelyon at banta sa seguridad sa Mindanao.

Noong Pebrero 2018, ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang mga petisyong ibasura ang isang taong pagpapalawig sa martial law dahil sa mayroon umanong sapat na basehan ang presidente at Kongreso na palawigin ito dahil sa pananatili ng rebelyon sa rehiyon.

Samantala, sinabi pa ni Panelo na ang rebelyon ay hindi masosolusyon sa iisang gabi lamang kaya’t kailangan ang pagpapanatili sa martial law para sa kaligtasan ng publiko.

Read more...