3 nasugatan, 122 pamilya nasunugan sa Cebu City

 

Tatlo ang sugatan habang hindi naman bababa sa 122 na pamilya ang nasunugan sa Brgy. Mambaling, Cebu City kahapon.

Sumiklab ang sunog ganap na alas 9:26 ng umaga ng Martes sa bahay ng pamilya Campaner sa Sitio Abaya na kumalat hanggang Sitio Pungtod.

Umabot pa sa second alarm ang sunog bago ito maideklarang under control dakong alas 10 ng umaga.

Sumabog na butane canister na nilagyan ng liquefied petroleum gas ang hinihinalang naging sanhi ng sunog.

Dahil dito nanawagan si Mambaling Barangay Captain Wilfredo Go sa mga residente na itigil na ang paggamit ng butane canister na may refill na LPG sa pagluluto dahil sa panganib na dala nito.

Aminado si Go na isa ang kaniyang pamilya sa maraming mga residenteng gumagamit nito dahil sa mas mura ito, pero mas maigi na aniyang itigil na para sa kaligtasan ng lahat.

Disposable kasi ang butane canister kaya talagang delikado ang pagre-refill ng LPG dito.

Ayon kay Go, nasa 50 bahay ang natupok ng apoy, dahilan para ilikas ang nasa 122 na pamilya o mahigit sa 200 na indibidwal sa Alaska Elementary School.

Hindi pa naglalabas ng opisyal na report ang fire department hinggil sa dahilan ng sunog, pero naitala na nilang may tatlong nasugatan dahil sa insidente.

Read more...