“ELECTION-RELATED KILLINGS”, DAPAT MAY NANANAGOT sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo
Sobrang lapit nang eleksyon sa Mayo 13 (127 araw) at aarangkada na ang “campaign period ng mga senador at party list sa Martes, February 12 (37 araw). Ang kampanya naman ng mga congressmen at local officials ay magsisimula Sabado, March 30 (83 araw).
Talagang napakainit na ng pulitika. Ang PNP ay nagdeklara sa 18 bayan at lungsod bilang election hotspots sakop ang halos 8,000 barangay. Kung susuriin, mahaba na ang listahan ng “election related violence” mula 2018.
Pinakahuli nitong December 22 kung saan napatay si Ako-Bicol parylist Rep. Rodel Batocabe na pinagbabaril dakong alas tres ng hapon sa gift-giving sa mga senior citizens sa Barangay Burgos, Daraga, Albay. Patay din ang kanyang “bodyguard” at pito sa mga matatanda ang sugatan.
Nang umagang iyon, si ex-Mayor Joelito Talad ng Kadinglan, Bukidnon ay napatay habang namimili ng prutas bandang 9:30 sa Barangay Carmen, Cagayan de Oro city.
Nitong November, Patay din si Balaoan La Union Vice Mayor Alfred Concepcion at sugatan ang anak nitong si Mayor Aleli Concepcion habang dumadaan sa Banlaon-Luna road sa Baranggay Antonino bandang alas 8:22 ng umaga.
Oktubre nang patayin si Sudipen Mayor Alexander Boquing at dalawang bodyguard nito samantalang sugatan ang asawang Vice Mayor na si Joy Bocquing sa ambush sa provincial road sa Baranggay Cadapali alas 6:40 ng gabi.
Marami pang nauna sa kanila, sina Ronda Cebu Mayor Mariano Blanco III na binaril sa loob ng kanyang opisina ala 1:30 ng madaling araw sa city hall noong September. Noong July 2, si Tanauan city, Batangas Mayor Antonio Halili na binaril ng sniper sa “flag ceremony” noong july 2. Kinabukasan, si General Tinio Nueva Ecija mayor Ferdinand Bote naman ang pinatay alas 4:50 ng hapon habang palabas ng LWUA office sa Cabanatuan City. Ilang araw lang ang lumipas, napatay si Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan matapos magdeklarang lalaban sa pagka-alkalde. Inambus siya sa Trece Martires Indang road bandang 3PM.
Ang iba pang napatay noogn 2018 ay sina Ex-la Union Cong. Eufranio Eriguel , Vice Mayor Ronald Tirol ng Buenavista Bohol, at Vice mayor Jonah Ungab ng Ronda Cebu, at Vice Mayor Al Rashid Ali ng Sapa-Sapa, Tawi-Tawi.
At a lahat dito walang pinipiling oras ang mga killer at ni hindi alintana kung may inosenteng madadamay. Halata na ang de kahong mangyayari. Mag-kokondena sa media, gagawa ng task force, maglalaan ng reward, merong mahuhuli , merong kakanta pero hindi maipakulong ang mga mastermind.
Pumapalpak na ba ng “intelligence” ng Philippine National Police, CIDG at maging National Bureau of Investigation sa paghahanap sa mga “hired killers” na ito? Anong nangyari sa mga “intelligence funds” ninyo?
Ngayong panahon ng eleksyon, mabiling mabili sila sa mga pulitikong baluktot ang pag-iisip. Dahil kundi nila matalo sa boto, pagpatay ang ginagawa niang solusyon.
At ang masakit, wala halos nahuhuli. Kung meron man, hindi na naman nahahatulan sa korte kayat malaki ang mga pagdududa. Sinu-sino na naman ang susunod na mamamatay? Bulag nga ba ngayon ang mga law enforcement agencies at hustisya sa kaliwat-kanang patayan ng mga pulitiko?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.